Ang Scamification ng Piercing Certification sa Pilipinas

Ang Scamification ng Piercing Certification sa Pilipinas

Kung nagpaplano kang magpa-piercing, malamang ang una mong hahanapin ay kung ligtas at propesyonal ba ang piercer na gagawa nito. Kung ikaw ay isang aspiring piercer na naghanap ng training, o isang piercer na nais pang magpalalim ng kaalaman, malamang na nakita mo na rin ang mga grupong nag-aalok ng "certifications."

Madali lang humanap ng serbisyo, marami sa kanila ay nangangakong ligtas at propesyonal ang kanilang gawa, o gagawin kang eksperto sa loob lamang nang mabilisang seminar. Ang blog na ito ay hahawi ng mga maling paniniwala at ilalantad ang katotohanan sa likod ng mga piercing certifications sa Pilipinas.

Sa ngayon, Ito ay nakatuon lamang sa piercing community. Tatalakayin naman namin sa hiwalay na blog ang tungkol sa tattoo industry.

 

NAGSIMULA SA SCRATCH

Ako si Necro. Lumaki ako kasama ang ilan sa mga old school tattooers sa lugar namin. Kung ikaw ay nanonood ng tattoo shows sa TV, ako noon ay napapanood ang aktwal na session ng live. Nasubaybayan ko silang dumaan sa pagiging self-taught o matuto mula sa sarili nilang pagsasanay. Dahil wala pang online shopping noon, mula sa probinsya namin ay dumadayo pa sila sa Pasay, Manila para bumili ng supplies. Nang mga panahong ito, kung hindi ka tattoo artist o walang koneksyon sa tattoo industry, mahirap makabili ng supplies o bumuo ng sariling tattoo machine. Kung nasa probinsya ka pa, isang pagsubok ang pagbuo ng pundasyon dahil kahit ang mga materyales ay dadayuhin mo pa nang halos isang buong araw papunta at pabalik. May mga shop noon ay may “autoclave” at “sterilizer” na, Habang sila ay wala, kaya ang ginagawa nila noon ay ang “boiling method” kung san pinapakuluan nila ang tip, tube at grips ng machines nila. Mangilan-ngilan lang ang artists noon kaya isa sila sa mga nagpasimula ng mga gatherings, competitions at events sa lugar namin. Dahil dito, ay naging konektado sila sa founder ng pinakaunang tattoo guild sa pinas. Nasubaybayan ko ang kanilang gawi nang ilang taon. Mula rito, natural akong nakapasok sa mundo ng body modification. Ngunit taliwas sa kanila, nagkaroon ako ng solong interes sa piercing.


Nagsimula akong mag-pierce sa sarili ng 2009, inspired sa mga paborito kong banda at scenekids. Binubutasan ko noon ang sariling tenga gamit ang sewing needle, safety pin at studex earring. May peklat pa akong souvenir mula sa failed helix na ginawa ko noon. Habang may ilang kaibigan naman na pumayag ma-piercingan ko for fun. Paglipas ng ilang taon, nag-eksperimento na akong mag-piercing sa sariling nostril, lip at eyebrow. Hindi ito kapareha ng serbisyong ginagawa namin ngayon. Gamit lang ay matabang pin, cannula needle mula sa drugstore at hikaw sa dollar store na binabad ko lang sa alcohol. Hobby ko lang itong tignan noon. Nang magsimula si Levi ng tattooing noong 2014, tinutulak niya akong seryosohin ito.

Nag-simula kami bilang home-based. Ang karamihan sa kilalang artists ay home-based din. Gaya ng karamihan, nasa pananaw kami na “Wala sa lugar yan, Nasa skills yan”. Isa kami sa matatawag ng ibang “scratch artist”. Karamihan ng old schools ay ganito rin naman ang ginagawa noon. Kahit may mga established shops na ay “norm” parin ang homestudio o homeservice dahil ang nakatanim sa isip ng mga tao ay sa “husay” tumingin. Ang mga tattoo competitions naman ay karaniwang ginagawa sa mga basketball courts at bar, okaya sa grand events na may booth at carpeted floor. Nakasanayan na ito ng komunidad ng ilang taon. Ngunit sa paglipas ng panahon, natuklasan namin na ang lokasyon at kagamitan ay mahalaga rin, lalo na para sa kaligtasan.

Kapag self-taught ka, ibig sabihin magsisimula kang walang gamit kaya popondohan mo ito lahat para makapag-sanay. Hindi ito pareho ng apprenticeship na matuturuan ka ng may akses sa mga supplies at equipments na kailangan mo para matuto at maging handa. Sa sitwasyon namin ni Levi, pareho kaming may koneksyon sa tattoo industry dahil sa background at skate scene, ngunit ang “apprenticeship” ay hindi nakukuha ng basta-basta; magkakaroon ka lang ng akses dito kung konektado ka mismo sa isang artist at pumayag silang kunin ka bilang estudyante. Shadowing naman ang tawag kapag ang panonood ng tattoo sessions ang ginagawa mo, kundi wala kang direktang partisipasyon sa aktwal na pagtatato at kadalasan ay ginagawa mo lang ito upang makita ang buong proseso, mag-obserba at makabisado ang mga pamamaraan ng trabaho ng artist.

 

Mahigit isang dekada naming binuo ang Leviticus, na hanggang ngayon ay binubuo parin. Mas naunang seryosohin ni Levi ang tattoo noon, mula sa sariling sweldo ay bumili kami ng supplies at unti-unting binuo ang mga gamit at equipments na kakailanganin namin. Habang ako naman, nagpipierce sa mga kaibigan at kakilala. Pormal naming pinasok ang propesyong ito at tumanggap na ng mga kliyente ng 2019. Nang mga panahong ito, madali nalang kumuha ng “certification”, aattend at babayaran mo nalang. Karamihan sa mga artists na kilala namin ay hindi na kumuha nito. Kahit ang mga established piercing shops at artists nang mga panahon na ito ay hindi rin naman “certified” noon. 

Nang gusto naming gawing pormal at propesyonal ang pagpasok namin sa industry, naghanap ako ng mga mapagkukuhanan ng sertipikasyon, ngunit wala akong mahanap na organisasyon na nakatuon lang sa piercing. Naunang magkaroon ang tattooing ng organisadong guild sa Pilipinas, habang ang tingin lang sa piercing ay isang serbisyong kasama lang ng tattooing sa isang shop. Ang mga guild na nakikita kong nag-aalok ng seminar ay pinagbibidahan ng mga tattooers. Ang ilang nag-aalok ng piercing seminar, bukod sa karayom at hikaw, wala silang mga gamit o pasilidad na kinakailangan sa kabuuan ng piercing procedure. Kung gusto ko lang naman matututo mula sa mga tattooers, may akses na ako doon. Ngunit, kapareho lang ng mga tattoo guild na nakikita ko, ang mga ito ay hindi naman nakatuon sa industriyang gusto kong pasukin.



ANG TATTOOING AT PIERCING AY MAGKAIBANG INDUSTRIYA


Sa paghahanap ko, natuklasan kong walang dedikadong organisasyon para sa piercing dito sa Pilipinas. Hindi tulad ng tattoo industry na may nabuong pundasyon at pormal na organisasyon, ang piercing ay kadalasang side service lang ng mga tattoo artist. Maraming may maling pananaw na kapag marunong kang mag-tattoo, marunong ka na ring mag-pierce. Ngunit, kahit pareho silang nasa kategoriya ng "body modification", may magkaiba silang proseso, praktis at disiplina.


Ang tattooing ay nangangailangan ng artistikong kakayahan sa pagguhit at paggamit ng tattoo machine at iba't ibang uri ng needle para lumikha ng permanenteng disenyo sa balat. Nakasalalay ito sa pag-master ng artist sa technical skills at artistic styles. Ang proseso nito ay umaabot ng ilang oras bago matapos depende sa napiling disenyo at laki. Ang paggaling dito ay nakasentro sa pagtanggap ng balat sa tinta at paghilom ng mga sugat sa "dermis" o unang layer ng balat. Ang inisyal na paggaling ng tattoo o surface healing ay umaabot ng 2-4 na linggo. Ang kabuuang paggaling naman ay umaabot ng 12-24 weeks.


Ang piercing naman ay isang anatomical modification na nakatuon sa ligtas na paggawa ng butas o pagbuo ng isang “channel” na maghihilom sa paligid ng hikaw. Kinakailangan ang malalim na pag-unawa sa anatomy ng tao, tamang techniques at precision para sa matagumpay na paggaling. Mabilis lamang ang proseso ng piercing, ngunit matagal naman itong gumaling, umaabot ito ng 3-6 buwan o hanggang isang taon para gumaling.


Pareho itong prosesong sumusugat sa tao, kaya pareho silang nangangailangan ng kaalaman at kasanayan sa aseptic at sterile technique o pag-iwas sa cross-contamination, compliance sa blood-borne pathogens standard, sterilization practices, at first aid training, ngunit magkaiba ang kanilang skillset, techniques, practices, discipline at aftercare. Nangangahulugan itong ang pagiging marunong sa tattooing ay hindi awtomatikong alam mo na rin ang piercing, at vice versa. Ito rin ang nagsasabing ang isang tattooer ay hindi dapat magturo ng piercing sa industriyang hindi nila sakop.

Ang scene at industry naman ay magkaiba rin. Ang scene o eksena ay tumutukoy sa komunidad ng mga indibidwal na mahilig o aktibong nakikilahok sa mga tattoo events, gatherings, at competitions. Samantala, ang industry ay ang pormal na sistema ng negosyo na may mga propesyonal, lokasyon, regulasyon, at pamantayan sa kaligtasan. Hindi dahil sikat ang isang tattooer, piercer o enthusiast sa scene ay nangangahulugan na ang ginagawa niya ay standard na ng industry. Ang pagiging kilala o matagal na sa eksena ay hindi katumbas ng pagiging kwalipikado o pagiging bahagi ng pormal na industriya.

“Tusok-tusok lang naman yan.” Oo, ngunit ang tusok-tusok na ito ay maaaring magdala ng komplikasyon at impeksyon sa tao. Ang ganitong pananaw na ang piercing ay madali lang gawin ay mali at nagbubunga ng mga delikadong praktis na nagpapakita ng kakulangan sa pag-unawa sa sining at agham sa likod nito. Ito ay nagbunga ng malaking problema: ang paglaganap ng maling procedures at delikadong practices na talamak na ngayon sa piercing community.


 


ANG MALAKING BUTAS SA REGULASYON

 

Ang tattooing at piercing ay mga hands-on na propesyon na natututunan sa pamamagitan ng aktwal na karanasan at kasanayan. Hindi tulad ng ibang beauty services na may formal na training sa TESDA, ang pag-aaral dito ay karaniwang dumadaan sa pag-shadow sa isang mentor sa isang shop, mahabang apprenticeship, o dumaan sa pagtuto mula sa trial and error ng pagiging "self-taught."


Sa Pilipinas, walang komprehensibo at pambansang batas na nagre-regulate sa industriya ng tattoo at piercing. Walang licensing hindi gaya ng ibang propesyon. Walang batas na eksklusibo para sa industriyang ito. Ang tanging umiiral na regulasyon ay ang section 7 sa "Tonsorial and Beauty Establishments" ng Code on Sanitation of the Philippines" na inilathala noong 1997. Ang regulasyong ito ay para sa lahat ng uri ng beauty establishments tulad ng salons, barbershops, at parlors, kasama na ang tattoo at piercing. Mayroon itong mga pamantayan sa sanitation practices sa lugar at kagamitan na dapat sundan.

Ang pangunahing layunin nito ay upang maiwasan ang pagkalat at pagkahawa ng sakit sa mga kliyente. Kung ibabase sa sanitation code na ito, kinakailangan na ang isang tattoo artist o piercer ay mag-operate lamang sa loob ng studio. Ang studio ay dapat dumaan sa inspeksyon at pumasa sa pamantayan ng pamahalaan. Maging ang sterilization facility at standard practices ay dapat nasusundan. Saad dito ang pag-uutos na gumamit ng isteril at disposable na mga karayom sa bawat procedure. Ang lahat ng kagamitan at mga surfaces ay dapat na lubusang disimpektahin pagkatapos ng bawat kliyente. Ang tattooer o piercer ay dapat may akses sa lababo kung saan makakapag-hugas ng kamay bago at pagkatapos ng proseso at paglilinis ng mga aparato. Nabanggit dito na kailangang dumaan sa isterilisasyon ang mga aparato pagkatapos gamitin o bago gamitin sa bagong kliyente. Ang sanitation code ang pumoprotekta sa mga kliyenteng gustong kumuha ng beauty services dahil nag-uutos ito ng mahigpit na pamantayan sa bawat establisimiyento.


Pagkalipas ng ilang taon, may ilang senador na nagpasa ng panukalang batas na layuning maregula ang industriya. Noong 2010, may panukala si dating Senador Manny Villar na "Tattoo Patrons Protection Act of 2010".  Sinundan ito ng panukala ni dating Senador Miriam Defensor Santiago noong 2013, ang Body Piercing and Tattooing Regulation Act at isa pa ni Senador Jinggoy Estrada noong 2014 para sa Underage Tattooing and Body Piercing. Ang mga bill na ito ay naglalayong protektahan ang publiko sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga pamantayan sa operasyon ng mga tattoo at piercing studio sa Pilipinas. Ngunit, ang mga panukalang batas na ito ay nanatiling pending pa sa komite at hindi naisabatas. Hindi na ito muling binigyang-pansin pa ng gobyerno. Ang responsibilidad ay nananatili sa Department of Health na kasalukuyang walang pormal na kapangyarihang magbigay ng certification o  license to operate sa mga artist. 

 

Ang paggamit ng DOH-Certified ay naging popular na paraan upang manghikayat ng mga gustong matuto. Nagmumuka kasi itong “endorsement” mula sa DOH. Ang tanging layunin ng Department of Health ay ang pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa blood-borne diseases na maaaring makuha sa ganitong trabahong may direktang kinalaman sa dugo. Ang mga seminar na ito ay nakatuon sa impormasyon tungkol sa blood-borne pathogens, Hepatitis at HIV awareness, First Aid at CPR training (mula sa Red Cross etc), bukod pa sa mga tattooing procedures. Ngunit ang seminar at screening na ito ay para lamang maging miyembro ng guild at hindi accredited ng DOH mismo.


Ang hindi alam ng karamihan ay mandato ng DOH na magbigay ng blood-borne pathogens, HIV awareness seminar at access sa libreng screening o HIV testing sa publiko. Ang pakikipag-partner sa DOH para sa mga seminars na ito ay hindi eksklusibo sa tattoo at piercing lang. Kahit sinong indibidwal o pribadong organisasyon ay maaaring makipag-collaborate sa DOH. Kaya naman, ang binibigay ng DOH sa mga seminar nila ay katibayan lang ng pag-lahok at hindi isang “Tattoo o Piercing Certification”.

Importanteng malaman na ang pag-comply sa bloodborne pathogens standard ay nangangailangan ng mga equipments gaya ng medical-grade autoclave para lubusang mapatay ang mga mikrobyong maaaring magdulot ng sakit. Hindi sapat ang dokumento lang, ang kawalan ng mga kagamitang ito ay nangangahulugang hindi naisasagawa ang pamantayang kailangan ng tattoo at piercing.

Dahil narin sa kawalan ng akses sa impormasyon patungkol sa sterilization sa piercing industry, naghanap ako ng ibang source kung saan ko matututunan ito. Base sa Guideline for Disinfection and Sterilization in Healthcare Facilities ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang epektibong isterilisasyon ay nangangailangan ng oras, pressure at steam. Steam sterilization sa pamamagitan ng autoclave ang pinaka-mabisa. Sabi naman sa Association of Professional Piercers, hindi nila nirerekomenda ang top-loading autoclaves o pressure canner, Dry heat Sterilizer at UV Sterilizer naman dahil hindi epektibo ang mga ito sa pangangailangan ng tattooing at piercing.  Ang dry heat ay “time-consuming” dahil umaabot ito ng 60 hanggang 120 minuto para sa full sterilization, hindi pantay at kayang abutin ng init nito ang singit-singit ng tools at hikaw kaya hindi ito nirerekomenda. Ang UV Sterilizer naman ay para sa disinfection lang at ginagamit bilang storage ng mga na-sterilize na gamit na at hindi ginagamit pang sterilize mismo.

Basahin: Hindi Lang Basta "Upgrade": Ang Importansya ng Autoclave sa Tattoo at Piercing

Sa mga lugar tulad ng United Kingdom (UK) at karamihan sa mga estado sa United States (US), hindi ka maaaring mag-operate nang walang opisyal na lisensya mula sa lokal na Health Department. Ang mga piercer at tattoo artist ay kailangang dumaan sa regular na inspeksiyon ng kalinisan, sumailalim sa pormal na pagsasanay sa bloodborne pathogens, at magkaroon ng permit para sa paggamit ng mga kagamitan tulad ng autoclave. Ang paglabag sa mga batas na ito ay maaaring humantong sa pagpapasara ng shop o pagbawi ng lisensya. Ganito rin ang sistema sa mga highly-regulated na bansa tulad ng Australia at mga bahagi ng Europe, kung saan ang piercing ay itinuturing na isang seryosong propesyon na may mga itinakdang pamantayan at etika. Ang mga bansang ito ang nagpapatunay na ang kaligtasan ay hindi lang dapat iasa sa indibidwal, kundi sa batas.

Mula sa mga alituntunin ng sanitation code at sa mga panukalang batas, isang bagay lang ang malinaw: Ang ligtas na serbisyo ay nangangailangan ng tamang kagamitan, malinis na lokasyon, at malalim na kaalaman sa kalinisan.

Naging maluwag ang sistema ng pagpasok ng mga indibidwal sa kalakarang ito. Iniasa nalang ito ng gobyerno sa ating komunidad na mapapasa at matuturuan ang mga susunod na henerasyon ng tamang proseso at kaalaman. Ngunit, ang kawalan ng regulasyon ay tumusok ng malaking butas sa industriya: SINO ANG DAPAT MAG-SERTIPIKA SA MGA BAGONG ARTISTA?

Walang opisyal na certifying body na itinalaga na may awtoridad magbigay ng lisensya o sertipikasyon para sa mga tattoo artist at piercer. Sa kabila nito, nagsulputan ang mga indibidwal at grupong gumawa ng sarili nilang organisasyon. Ang mga guild na ito ay nagsimulang maging isang de factong institusyon, Hindi ayon sa batas, kundi dahil sa kawalan ng regulasyon. Nagawan nilang punan ang malaking butas na iniwan ng gobyerno. Ang mga organisasyong ito na ang nagpapatakbo at nagtatakda ng seminar at sertipiko na naging batayan sa pagpasok sa industriya. 

Circa 2012. Founder of the first Tattoo Guild in the Philippines. Here his shop is seen with a sterilization facility and autoclave, as mandated by the DOH.

 



BE A CERTIFIED PIERCER! THE RISE OF THE SCAMMENTORS

Sa aking paghahanap, nakilala ko ang Association of Professional Piercers (APP) isa itong internasyonal na organisasyon ng mga piercers mula sa Amerika na nagtataguyod ng tamang proseso at ligtas na serbisyo. Nakahanap ako ng mga totoong propesyonal na nag-innovate at inaral ang piercing mula sa artistiko at siyentipikong pagsasaliksik. Mula sa kanilang short courses at iba pang recommendations, nagkaroon ako ng malalim na pag-unawa sa tamang techniques, tamang sterilization process, at advanced modern piercing na hindi mo makikita sa mga seminar dito. Nagkaroon ako ng paghambingin sa mga "piercing mentor" sa industriya na nagtuturo ng piercing at dito ko nakita ang malaking kakulangan sa ating bansa. Isang bagay ang alam mong mag-piercing, iba naman ang magtuturo ka ng piercing.

Ang Association of Professional Piercers ay itinalaga noong 1994. Ang kanilang layunin ay magpalaganap ng impormasyon tungkol sa ligtas na operasyon ng piercing. Bilang nasa first world country, nauna silang gawan ng modernong pag-aaral ang propesyong ito. Ang kanilang pagpapakilala sa mga specialized piercing needles ay nagbigay-daan sa mas ligtas at mas maayos na piercing experience sa mga kliyente. Mula noon, sari-saring inobasyon at medical advancements na ang sumunod, na humubog sa industriya ng piercing na kinikilala natin ngayon.

 

Ang Pilipinas sa kabilang banda ay isang third world country, bagaman umabot dito ang pagbabago sa tattooing, naiwan naman ang malalim na kaalaman at pagkilala sa piercing bilang isang natatanging propesyon. Hindi lahat ay may akses sa tamang impormasyon kaya sa seminars umasa ang karamihan.

Ang pinakaunang tattoo guild sa Pilipinas ay kilala sa mahigpit nilang seminar at screening kung saan ang lahat ng gustong maging miyembro ay kailangang dumaan at mapasa, na may posibilidad pang bumagsak kapag nakitang hindi ka pa handa. Ang guild na ito ay nakatuon sa tattooing, ang piercing ay side service lang. Ang founder nito ay may sariling shop na may autoclave at sterilization facility set-up na nagpapahiwatig ng pagsunod nito sa pamantayan ng pamahalaan. Ang mga miyembro o gustong maging miyembro ay inaasahang susundan din ang ganitong gawi.

Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting lumuwag ang membership screening, hanggang sa naging "membership for a fee" na lamang ito. Nakakakuha na ng "certification" kahit walang screening, wala pang sapat na kasanayan, lokasyon, o kagamitan, kahit hindi na rin inspeksyunan. Nagbago rin ang sterilization practices, mula sa pagkakaroon ng autoclave, hanggang sa UV Sterilizer nalang, o kaya minsan ay wala pang pasilidad. Ang kaluwagang ito ang siyang naging daan para sa pag-usbong ng mga hindi lehitimong “eksperto” o “scammentors” kung tawagin namin ngayon. Nagkaroon na ng iba’t ibang guild at chapter na kalaunan ay nag-alok na rin ng sarili nilang mga seminar. Noon palang nangyayari na ito. Kaya naman may mga sumunod na era ng artists na hindi na kumuha ng mga seminars at screening.

Ang Apprentice Body Piercer Guidelines and Curriculum ng Association of Professional Piercers ang naging basehan ko sa paghahambing at dapat hanapin sa isang mentor. 

Matagal akong nagmasid sa mga guild na maaari kong salihan para sa sertipikasyong kailangan ko. Dahil sa tumataas na interes sa body piercing community, nabuo ang pinaka-unang Piercing Guild noong 2020. Pinangungunahan ito ng mga Mananato na biglang naging Mambubutas, opisyal na silang nag-alok ng mga seminar tungkol dito. Gayunpaman, nagdulot ng maraming katanungan sa amin ang unang batch ng kanilang seminar.


Dito unang nakwestyon ang kredibilidad ng mga seminars na ito. Sabi nila ay ginawa nila ito para magkaroon ng tamang regulasyon sa bansa. Ngunit, paano nila ito magagawa kung sa pamantayan mismo ng gobyerno ay wala sila o hindi sila sumusunod dito. Ang kanilang pangunahing claim ay "sila kasi ang nauna" at may "years of experience," ngunit ang kanilang mga ginagamit na materyales at pasilidad ay makaluma. Ilan pa sa kanilang mga opisyal ay hindi naman mga piercer.

Nagkaroon ng malaking diskusyon sa komunidad ng mga piercer nang magtaas kami ng mga katanungan tungkol sa mga seminar na ito. Sa mga unang batch nila, sa open space at basketball court ito ginawa, wala silang maayos na sterilization practices, nakasalansan ang mga tools at jewelries at "ibabad sa alcohol" lang ang payo. Nang sitahin namin, sa mga sumunod na batch nila, saka lang sila nagpakita ng paggamit ng dry heat sterilizer at nakabalot na tools. Ang mga sumunod pang batch nila at binago narin nila ang lugar, at nakipag-partner na rin sila sa DOH para sa mga “screening” nito.


Ang mas nakakabahala pa, sa mga sumunod pang batch nila, ang ilan sa mga dating attendees ay naging mga opisyal din ng guild. Mula sa pagiging "estudyante" agad silang naging "mentor” na maaari na ring magbigay ng “apprenticeship”. Ang ilan nilang miyembro ay nag-rerecruit at naghahanap na rin ng mga interesanteng gustong matutong mag-piercing. Ang pagdami ng mga nag-aalok ng 'mentoring' na walang sapat na karanasan, lokasyon, o kagamitan ay nagpapahiwatig ng hindi sapat na pangangasiwa sa loob ng mga organisasyong ito. Ang ilan sakanila, matagal nang nagpipierce bago pa lumahok sa seminar nila, ngunit ang kawalan nila ng kagamitan at pagiging home-based ay nagsasabing wala silang kwalipikasyong gawin ang mag-turo sa mga baguhan.

Tatlong taon lang ang tinagal ng Piercing Guild na ito, na-dissolve sila ng 2023 kaya naman ang mga dating miyembro ay gumawa ng kanilang sariling grupo at nagpalit lang ng pangalan. Ang iba ay bumuo na ng kanya kanyang 1-on-1 seminar. Ang sitwasyong ito ay nagpakita na pinasok lamang nila ang piercing seminar dahil sa demand at monetary benefit nito. Hindi na lumago dahil mababaw ang pundasyon. Kinumpirma pa ng isang "scammentor" sa kanyang live broadcast nitong september 2025 lang.

Ang mga seminars at personal instructions na ito ay may bayad, iba ito sa mga batch seminars. Kung may piercing service sa mga kliyente, meron ding "mentoring service" na iniaalok sa mga aspiring piercer. Babayaran mo ang Piercer para sa pagtuturo niya sayo, matapos ay bibigyan ka niya ng certification. Ngunit ang mga workshop o 1-on-1 instructions na ito ay hindi otorisado at kinikilala ng DOH. Ang pagtuturo na ito ay malinaw na ginagawa lamang para kumita nang mabilis ang mga "mentor", kahit wala silang kwalipikasyon o kredibilidad.

 

Kung tutuusin, may mga totoong naunang propesyonal na piercer na naglaan ng kanilang oras para aralin ang agham sa likod ng piercing. Ang mga propesyonal na ito mismo ang nagsasabing apprenticeship ang pinakamabisang paraan sa pagpasok sa industriyang ito. Ang lahat ng modernong impormasyon tungkol sa safe practices — tulad ng paggamit ng internal thread o threadless na hikaw imbes na external thread, ang pagkakaroon ng anodizing, ang paggamit ng medical-grade sterilizer, ang pagkilala sa sterile saline solution bilang pinakamainam na panglinis, at ang kaalaman sa mga piercing na unsafe gawin — ay inaral at pinapalaganap ng mga propesyonal na piercer, at hindi galing sa mga unregulated guilds na ito.

Marami na akong nakilala at nakausap na dating miyembro o "certified piercers" na nagmula sa mga seminar na ito, ang iba pa sa kanila ay dating nag-mentor din, ang iba pa ay nakipagtalaktakan pa saamin noon at pinagtatanggol ang guild nila, ngayon, halos lahat sila ay iisa ang sinasabi: "wala silang natutunan" at "nabudol lang sila." Habang lumalawak ang kanilang kaalaman at karanasan, doon lang nila napagtatantong ang piercing mentorship na binayaran nila ay kulang, hindi nakabase sa industry standard at isang SCAM.

 

CERTIFIED PIERCER! CERTIFIED NINO?

Maraming manlalahok ang may maling pananaw na pagkatapos ng seminar ay certified na sila. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin o dinaanang training para maging certified piercer?


Sa kasalukuyan, Subukan mong mag-search ng Piercing Certification at maraming resulta ang lalabas. Ngunit gaya ng pagpili ng politiko, ang mga seminar at guilds na ito ay nangangailangan ng masusing background check. Nagawa ko na ang pananaliksik, at natuklasan kong karamihan sa mga nagtuturo ay walang sapat na kwalipikasyon o kagamitan para gawin ito.

Karamihan sa mga piercing mentor na ito ay mga tattooer na biglang nagtuturo ng piercing. Kilala mang piercer, wala naman itong sariling negosyo, lokasyon o tamang kagamitan. Mayroon ding mga may-ari ng beauty salon, Aesthetic o PMU Academy na hindi naman piercing-centric pero nag-aalok ng piercing instruction. Merong Tattoo & Piercing Supplies Shop na ginawa na ring sideline ang pag-aalok ng seminar. Ang pagiging owner/ admin ng Piercing Facebook Group ay ginagamit ding "credential".  Lahat sila ay nangangako na sa loob ng isa o dalawang araw ay matututunan mo na ang buong proseso ng body piercing. Pagkatapos ng seminar, bibigyan ka ng "Certificate of Participation" o "Certificate of Membership."

 

Ngunit kung susuriin, marami sa kanila ang may mga kwestyonable pang background, ang iba ay nasa home-studio pa, resident piercer o nagseserbisyo sa mga coffee shops, bars, at fleamarkets. May mga Piercer rin na may established shops at matagal na sa industriya, pero makikita sa kanilang mga outdated na praktis ang kakulangan sa kaalaman. Tumagal lang sa industriya ngunit hindi na lubusang inaral pa. Ang ilan naman ay seller ng jewelry at piercing supplies, kaya naman nagtuturo ay dahil may mga supplies na ibebenta rin sa mga indibidwal na lalahok sa mga seminar nila. Karamihan sa kanila ay gumagamit pa rin ang ng dry heat o UV sterilizer, external threaded jewelries at stainless steel jewelries. Ang pagkakaroon ng tamang lokasyon at kagamitan ay "bare minimum" na requirement ng gobyerno. Kung hindi sila nag-adapt at kung wala sila nito, nagpapahiwatig ito ng kakulangan sa pag-unawa sa modern safety standards at hindi dapat sila nagtuturo sa mga baguhan. Lalong hindi dapat sila nag-aalok na mag-sertipika sa isang indibidwal na pwede na siyang mag-serbisyo lalo kung sa ilang oras o araw lang ito tuturuan.


Base sa kurikulum ng mga guilds, tinuturuan sila ng basic techniques, anatomy, jewelry, at sterilization practices. Subalit, ang mga konseptong ito ay hindi lubusang maiintindihan o matututunan sa isang araw o iilang session lang. Tinuturing nila ang mga itong “credentials” na nagpapatunay na “trained” sila, ngunit hindi matatawag na tunay na training ang pagsubok tumusok sa silicone ear o sa iilang tenga pa lamang. Ang katawan ng tao ay iba iba, ibig sabihin, hindi lahat ng klase ng “anatomy” ng tao ay napag-aralan ng mga lumahok sa seminars na ito. Ang mga dokumento at sertipikasyon na ito ay "on paper" lamang, at hindi "on practice."

Ang tinuturo sakanila ay mga theory techniques lamang. Kung paano itusok ang karayom sa balat. Ngunit, pagkatapos ng seminar na ito, tanging teorya lang ang dala ng aspiring piercer. Ang mga natutunan niya sa seminar ay aaralin at sasanayin palang niya sa pamamagitan ng pagtanggap na ng kliyente. Para matuto ng techniques ang bagong piercer ay pagpa-practice-an niya ang mga kliyente nang walang gabay o superbisyon mula sa mentor.


Madalas ang tinuturo dito ay kung ano lang ang alam ng piercer mentor base sa sarili niyang karanasan, at hindi nakabase sa piercing industry standard mismo. Ang tagal pa lang ng pagtuturo ay nagsasabi nang hindi sila nabigyan ng tamang pagkatuto at pagsasanay. Kahit sa first aid at cpr training ay kakailanganin mo ng higit pa sa isang araw para matutunan ang konsepto at technique sa likod nito.

Ang tunay na training ay araw araw na kasanayan na may gabay at superbisyon ng mentor, ang pagbuo at pagkabisa ng techniques, routines at practices hanggang sa kaya mo na itong gawin nang mag-isa. Ang pagbuo ng tamang kaalaman, limitasyon, at etika sa pagharap sa kliyente ay nabubuo sa matagalang panahon. Ang mabilisang seminar ay nag-aalok ng panimulang impormasyon o theoretical foundation, ngunit hindi ito katumbas ng malawak na kasanayan o extensive practical training na kailangan. Ito ay nagbibigay ng maling pag-aakala sa mga indibidwal na alam na nila ang buong proseso, kahit sa totoo ay kulang pa sila.


Ang pagbuo ng isang artist ay hindi nangyayari sa loob ng isang araw. Ang pagtuturo ng piercing ay nangangailangan ng hindi lang kaalaman, kundi pati tamang lokasyon at kumpletong pasilidad. Kailangan ng isang mentor ang limang taon o higit pa na kasanayan para maging ganap na kwalipikadong magturo. Ang ginagawa ng mga institusyong ito na tila mass production ng mga piercer ay nagbibigay ng maling impresyon sa industriya, kaya naman ang mga bagong piercer na ito ay nakikitaan ng maling praktika at kung saan saan nalang nagseserbisyo.

Kaya bilang hindi naman dumaan sa mga seminars at certification na napagtagumpayan ang pag-progreso sa industriya, masasabi naming ang iniaalok ay hindi tunay na training, kundi endorsement o “false sense of qualification” sa isang indibidwal na maaari na itong mag-pierce. Certified Piercer? Ngunit Certified nino?

 

 

CRASH COURSE! ANG SCAMIFACTION NG PIERCING CERTIFICATION SA PILIPINAS

Ang pagkakakilala niyo sa piercing ngayon ay hindi katulad ng pagkilala namin sa piercing noon. Mahirap makakuha ng tamang supplies, equipments, maging ang akses sa titanium jewelry, wala ang mga ito sa Pilipinas kaya kailangan pa namin itong bilhin mula sa ibang bansa. Ngunit ngayon, madali nalang bumili ng piercing supplies online, naging maluwag na rin ang mga Suppliers. Binebenta na nga lang itong “starter packs” na nabibili na ng sinuman. Dahil sa limitadong impormasyon, ang pagiging "self-taught" ay nangahulugang kailangan naming gawin ang aming “homework” para aralin ang industriya. Ang mga seminar sa kabilang banda ay ibinaba ang seryosong pag-aaral sa isang "crash course" lang. Ibinenta ito bilang kapalit ng apprenticeship, na paraan para laktawan ang matagal at detalyadong pagsasanay.

Ang pagtusok ng karayom sa balat ay maaaring matutunan, ngunit ang lahat ng pamantayan sa kaligtasan ay hindi. Ang science ng tattooing at piercing ay patuloy na nagbabago, kaya ang mga artists ay dapat tuloy-tuloy na nagsasaliksik, natututo at nag-aadapt. Sa mababaw na pagtingin, ang tattooing at piercing ay tinitignan bilang magdo-drawing lang sa balat o tusok-tusok lang at lagay ng hikaw, pero kung susuriin nang mas malalim, ang mga ito ay mga proseso na nangangailangan ng matinding pag-unawa sa likod ng sining at agham nito.

Kung ang mga naunang guild ay mahigpit sa screening, ang mga bagong nabuong piercing guild naman ay taliwas dito, dahil tumatanggap sila ng lahat kahit hindi pumasa o baguhan pa lamang. Ang pagtanggap sa lahat ay nangangahulugang kahit walang sapat na kasanayan, tamang kagamitan, opisyal na lokasyon, o malalim na kaalaman ang indibidwal ay binibigyan pa rin ng sertipikasyon pagkatapos ng isang araw na seminar. Ang ganitong sistema ay garantisadong magdudulot lamang ng hindi ligtas at substandard na praktis sa industriya. Taliwas din ito sa apprenticeship guidelines ng APP kung saan nire-require ang isang aspiring piercer na mag-apprentice ng 1200 oras sa isang kwalipikadong mentor, hindi sa isang maikling seminar lang.

Kaya naman namin nasasabing hindi sapat ang training na ito, dahil ang dating membership screening ay nauwi sa "misleading mentorship" o "deceptive training." Misleading dahil ang mga seminar ay nagbebenta ng sertipikasyon na nagpaparamdam sa aspiring piercer na sapat na sila para mag-serbisyo, kahit kulang na kulang ang kanilang kaalaman at hands-on na pagsasanay. Deceptive dahil ang kakulangan ng mentor sa modernong kaalaman at tamang practices ay hindi sinasadyang nagdudulot ng maling impormasyon at nagpapasa ng kanilang makalumang gawi sa kanilang mga estudyante.

Ang maling pagtuturong ito ay nagdulot ng chain of misinformation o ripple effect kung saan ang mga tinuruan nila noon ay mentor na rin ngayon, at nagpapasa ng maling praktis sa iba kapalit ang mentoring fee. Ang “standards” na nakikita sa mga piercer mentors (na madalas ay walang sariling shop o tamang sterilization facility) ay siya ring susundan ng kanilang mga mentees. Kaya hindi nakakapagtakang may mga guild members na nag-aalok ng piercing sa mga lokasyong hindi ligtas tulad ng coffeeshops, bazaars, fleamarkets, mall kiosks at outdoor locations, dahil ito rin ang ginagawa ng ilan sa kanila. Nagseserbisyo sila nang walang tamang lokasyon at kagamitan, sinasawalang-bahala ang kaligtasan ng mga kliyente.

Basahin: Safe ba sa Piercing Pop-ups?

Ang nakakabahala pa, dahil sa “years of experience” na claim ng mga "mentor," ang tingin ng mga dumaan sa seminar nila ay tama ang kanilang natutunang proseso. Hindi nila alam na mali ang mga practices na itinuro sa kanila at naglalagay sila ng kanilang mga kliyente sa kapahamakan. Kung gumaling ang piercing, lahat ng credit ay sa kanila. Ngunit kapag nagkaproblema, ang sisi ay agad sa kliyente. Pero ang mas malala, ang mga mentor na ito ay walang accountability. Kapag may palpak na resulta, ang sasabihin lang nila ay "kasalanan ng isa ay hindi kasalanan ng lahat."

May mga nasita kami na pinagtatanggol pa ang kanilang sarili. Sa kabila ng mga maling praktis, ipinaglalaban nilang tama ang kanilang ginagawa dahil may "karanasan" na sila, o dahil gumawa sila ng sarili nilang "research." Subalit, ang kanilang praktis ay hindi nagre-reflect sa scientific at fact-based standards, na nagpapatunay na ang kanilang tinuturo ay mali at nakabase lang sa kanilang personal na opinyon. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang unahin ang kaalaman na suportado ng agham, at hindi lang basta "experience" o personal na teorya.

Ang pekeng sertipikasyon na ito ay nakasira sa kredibilidadng buong industriya. Naging normal ang pananaw na ang piercing ay isang madali at murang serbisyo. Ito ay isang SCAM; sobrang na-normalize na ang scamification na ito, kaya hindi na ito mukhang scam. Ang mga klaseng ito ay paraan lang para kumita nang mabilis ang mentor, at hindi para magturo. Sa ganitong seminar at walang pakundangang paglalabas ng mga untrained at unskilled piercer, inilalagay nila sa panganib ang kalusugan ng publiko.

Hindi natin masisisi ang mga "certified piercer" na naloko sila ng scam na seminar na ito. Ngayon lang natutuklasan ng ibang piercer na mali pala ang natutunan nila mula sa mga seminar na ito. May mga nasita kami na pinagtatanggol pa ang kanilang sarili dahil may "karanasan" o "research" na sila, subalit ang kanilang praktis ay hindi scientific. Naiintindihan naming nabudol sila ng mga mentor noong una, ngunit kung sa pagsasaliksik, praktis, at serbisyo nila ay alam na nila ang dapat at hindi dapat, hindi na sila biktima. Sila na mismo ang nangloloko sa kanilang mga kliyente.

 

ECONOMIC SABOTAGE

Ang tattooing at piercing ay hindi essential o pangangailangan, ito ay isang luho at elective body modification, kaya't ang presyo ay dapat sumasalamin sa safety standards. Ang isang shop o piercer ay nakakapagbigay ng murang presyo dahil sa maling pag-unawa sa kalikasan ng serbisyo. Sa konteksto natin, ang economic sabotage ay ang hindi sinasadyang pagbaluktot sa presyo ng serbisyo sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga kinakailangang gastos para sa kaligtasan, na siyang nagpapababa sa halaga ng buong propesyon. Ito ay nagagawa lamang dahil hindi sila nagbabayad para sa mataas na kalidad ng materyales, medical-grade sterilization tulad ng autoclave, at iba pang business o operational expenses para sa isang studio na sumusunod sa safety standards. Ang mababang presyo ay ang direktang kapalit ng kaligtasan ng kliyente, dahil ang cost ng safety ay binawasan at nagbibigay risk sa health ng publiko.


Nitong nakaraang taon, maraming nagsipag-tayuang shops na nag-hire ng piercers mula sa mga scamification na ito. Dahil sa kawalan nila ng ideya sa totoong pangangailangan ng piercing, ang karaniwan sa kanila ay walang maayos na pasilidad at materyales, may needle at jewelry lang, pwede nang mag-pierce, kaya naman madali lang sakanilang magbigay ng napaka murang presyo. Ang ilan, ginawang promotion ang pag-aalok ng maraming piercing sa murang halaga gaya ng Buy 1, Get 1. Dati ay araw, linggo, buwan at taon ang tinatagal nito hanggang sa taun-taon na. Ang dating Buy 1, Get 1, ay naging Get 2, Get 3, Get 4, at Unli-Piercings na. Kahit mga established shops na ay ginagawa ito, kaya naman ginagaya rin ito ng mga baguhan. Subalit, ang ganitong pagbibigay ng mababang presyo at tuloy tuloy na promotion ay hindi sustainable sa isang business. Kaya naman, kahit mga established shops na ay nakikipag-kompitensya na. Ang iba pa sakanila ang nagpasimuno ng services sa coffeeshops at pop-up settings. Nagdudulot ito ng maling impresyon at nosyon sa tao na ang ganitong services ay mura at pwede lang gawin outdoors. May iba namang mahal maningil ngunit wala namang kagamitan para sa kalinisan, sa sitwasyong ito, hindi lang dapat sa presyo nakatingin kundi dapat pati sa pruweba ng kagamitan.

Ang kanilang presyo at praktises ay hindi sumasalamin sa tamang pamantayan at kaligtasan. Ang pangmatagalang pinsala nito ay ang tuluyang pagbaba ng pamantayan ng industriya, dahil ang focus ay napunta sa presyo o kung makakarami, imbes na sa linis. Ang gastos ay hindi na lang sa piercer dahil ang kliyente ang nagbabayad ng mas malaki kapag nagka-kumplikasyon.


”Huwag Maging Barat sa Sarili mong Balat.” Yan ang madalas isigaw noon. Ngunit ang nangyayari ngayon ay ang mga tattooers at piercers pa mismo ang “BARAT” para lamang kumita at makahatak ng kliyente. Kahit hindi pa sapat ang gamit at kaalaman nito para magpabayad. Sabi din ng iba, “Hindi na baleng maliit o konti, kaysa naman Wala.” Maling pananaw din ito dahil nagbibigay lang ito ng importansya sa kita, kaysa sa totoong halaga ng tattoo at piercing.

Ang industriyang ito ay hindi lang basta serbisyo, may sining at agham sa likod nito. Ang paglalabas ng mga taong wala namang sapat na kasanayan, kaalam at kagamitan ay nagdudulot ng short term at long term economic sabotage sa industriya. Hindi ito nabubuo sa konsepto ng malinis na serbisyo, kundi mabilisang transaksyon. Kung hindi pa kayang punan ang mga importanteng bagay para sa serbisyo, huwag magpierce. Kung walang kalidad na materyales, huwag magpierce. Kung walang equipments, huwag mag pierce, Ang industriyang ito ay hindi takbuhan  ng mabilisang kita. Itrato natin ito ng may puso at magpapahal sa ginagawa, at importansya sa kaligtasan ng mga kliyente.

 

INVISIBLE COST OF IMPROVEMENT

"Everyday is a chance of improvement." Lagi namin itong sinasabi. Pero sino ba ang nagbabayad para sa improvements nating mga piercer? Ang totoo, MGA KLIYENTE.


Ang mga kliyente ang hindi sinasadyang nagbabayad para sa ating pagkatuto. Dahil sa kawalan ng akses sa tamang edukasyon, Sila ang nagiging practice dummy para matutunan mo ang mga techniques. Wala kang lokasyon at sterilization facility? Niririsk mo ang impeksiyon sa mga kliyente. Wala kang tamang materyal ng hikaw? Posibleng magka-iritasyon at bumps. Walang kaalaman sa anatomy assessment? Matagal na paggaling 'yan sa kliyente.

Alam nating lahat na walang perpektong pagsisimula. Marami sa atin ang pumasok sa piercing nang walang tamang gabay, umaasa sa sariling pag-aaral o seminars dahil sa kakulangan ng lehitimong apprenticeship sa Pilipinas. Kaya naman, ang konseptong ito ay isang mapait na katotohanan na kailangan nating harapin.

Hindi natin intensyon na ilagay sila sa panganib. Pumasok tayo sa industriya nang may pagnanais na maging mahusay, pero dahil sa mga sistemang nagbigay ng mabilisan at kulang na edukasyon, ang mga kliyente ang nagbabayad sa mga komplikasyon. Ang bawat irritation bump, ang bawat matagal na paggaling, ay isang experience na nagturo sa atin.. pero sa gastos at peligro ng mga kliyente.

Napagdaanan na namin ang trial and error noon, at iyan din ang pagdadaanan ng mga crash course piercers na ito. Ngunit ang pagkakaiba, noon ay walang standard at kulang sa impormasyon. Ngayon, laganap na ang kaalaman. Sa panahong ito, ang pagpili na magpatuloy sa maling praktis ay hindi na pagiging biktima ng sistema, ito ay isang desisyon. Ilang kliyente pa ba ang dapat magbayad ng kanilang kalusugan para lang makumpleto mo ang “improvements” o "training" mo?

Pero hindi mo ito kasalanan lahat. Ang problemang ito ay nagsimula sa mga "scammentors"at guilds na tinuruan kayong maniwala na sapat na ang seminar para maging eksperto. Sila ang may pananagutan sa pagkalat ng mapanganib na practices at false sense of qualification. Kung patuloy ninyong ginagawa ang mga crash courses na ito, patuloy ninyo ring sinisira ang industriya. Kailangan na itong matigil. Hindi dahil sa may pumipilit, kundi dahil ito ang tama.


PIERCE AT YOUR OWN RISK BUT MAKE INFORMED DECISIONS


Madalas, kapag nagka-komplikasyon, mabilis na isinisisi sa kliyente ang problema: "Baka di mo nalinisan," "Bakit kasi dun ka nagpa-pierce?" o "Bakit hindi ka nag-research?"


Madali nating sisihin ang mga kliyente kung bakit sila nagkakamali sa paghahanap, at kung minsan, huli na para malaman nilang mali pala ang pinagkatiwalaan nila. Pero ang totoo, hindi ito kasalanan ng kliyente. Ginawa na nila ang kanilang parte sa paghahanap. Ang responsibilidad ay nasa service provider — sa piercer o tattooer — na bigyan ka ng akses sa malinis at ligtas na serbisyo.


Ito ang dahilan kung bakit may Sanitation Code; para masigurado ng gobyerno na ang mga nagbibigay ng serbisyo ay sumusunod sa mga alituntunin. Ang responsibilidad na magbigay ng ligtas na serbisyo, gamit ang tamang kagamitan sa tamang lokasyon, ay sa kanila. Ang problema ay dahil sa kawalan nila ng tamang kaalaman at pag-asa lang sa pekeng sertipikasyon, hindi na sila nag-aaral pa. Hindi man natin mapipigilan ang mga ito na mag-serbisyo, ngunit kung ikaw ay informed sa iyong desisyon, makakaiwas ka sa peligro.


Para sa mga Kliyente

Ang kaligtasan niyo ang dapat na unahin. Huwag magtiwala sa mga "certified piercer" o sertipiko mula sa isang araw na workshop lamang. Ang DOH certificate para sa HIV awareness ay maganda, pero hindi ito lisensya para mag-pierce. Kapag pumipili ng artist, tanungin sila tungkol sa kanilang background, edukasyon, at training. Tingnan ang kanilang portfolio ng mga maayos na gumaling na piercing. Pumili ng taong nagtatrabaho sa isang propesyonal at malinis na lugar, at makakasagot sa inyong mga tanong nang may kumpiyansa at expertise. Bukod sa tamang materyal ng hikaw, technical know-how sa piercing o mga techniques, mahalaga na may tamang pasilidad sa pag-sterilize ng tools at jewelry ang piercer. Kailangan ang pasilidad na ito ay nasa hiwalay na silid at malayo sa iyo. Kung katabi mo mismo ang sterilization equipments, nagsasabi itong walang ideya sa infection protocols ang piercer. Umiwas din lalo kung sa outdoor location, mall kiosks, universities, fleamarket o pop-ups ito nagseserbisyo. Ang pagseserbisyo sa mga lokasyong ito ay indikasyon na walang kaalaman sa tamang pamantayan ang piercer na gagawa sayo. Gaya ng lagi naming sinasabi, "Pierce at your own risk but make informed decisions."


Para sa mga Aspiring Piercers

Ang totoong training ay nangangailangan ng oras, tiyaga, at malalim na pag-intindi at pananaliksik. Huwag sayangin ang inyong pera sa crash course at quick workshops na nangangakong gagawin kayong eksperto. Maghanap ng isang totoong mentor na magtuturo sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong malaman at willing na turuan kayo sa tamang proseso ng apprenticeship. Walang shop na mag-aaya o tatanggap nalang bigla ng apprentice. Ang katotohanan ay hindi ka papansinin kung bigla ka nalang susulpot o mag-memessage lang para magtanong ng apprenticeship. Kung gusto mong matuto, pumunta ka sa mga artist, magpa-tattoo o magpa-piercing ka sakanila at bumuo ng koneksyon, mag-obserba at paganahin ang komprehensyon. Sa totoong apprenticeship, kailangan mong matuto at panuorin ang mentor sa araw-araw niyang operation sa kanyang shop, at hindi sa isang araw na seminar lamang. Hindi ka matututo sa madaliang proseso. Ito lang ang tanging paraan para maging tunay na skilled at responsableng artist. Walang shortcut sa industriyang ito.


Kung ikaw naman ay "Certified Piercer" na

Maaaring na-scam ka ng mga mentor na nag-alok ng madaliang sertipikasyon at hinayaan kang mag-serbisyo kahit kulang pa ang iyong experience. Mahalagang tandaan na responsibilidad mo pa rin na alamin at tuklasin ang tamang paraan ng piercing. Ngayong alam mo na, sana ay iwasan mo na ang mga procedures na maaaring maglagay sa panganib sa kalusugan ng iyong mga kliyente. Kung ikaw ay nag-seserbisyo sa pop-up, itigil mo na dahil hindi ito ligtas para sa mga kliyente. Kung totoong dedikado ka sa propesyong ito, bibigyan mo ito ng pagkakakilanlan at sariling lokasyon. Ang pangarap mong maging piercer ay valid, ngunit hindi ito rason para hindi mo gawin nang tama ang iyong pagseserbisyo. Kung hindi pa kayang punan ang mga tamang equipments at angkop na lokasyon, maaaring maghanap ng ibang paraan para makamit ang mga ito. Sa panahong ito, hindi na cost of improvement mo ang mga kliyente. Hindi mo kasalanang nabudol ka ng guild na pinagkatiwalaan mo, pero responsibilidad mo pa ring alamin ang tamang piercing practices.


 

ANG HINDI LUMINGON SA PINANGGALINGAN, HINDI MAKAKARATING SA PAROROONAN

 

"Ang dami mong sinasabi, Necro. Substandard ka lang din noon. Homestudio ka lang din noon. Akala mo hindi ka nagkakamali. Ano ba ang kredibilidad mo para sabihin yan? Mino-monopolize mo lang ang industry! Matagal nang nangyayari ito, kaya manahimik ka nalang!" 

 

Ang aming "noon" ay ang kanilang “kasalukuyan”, at ang aming kasalukuyan ay ang pangarap nilang maging “kinabukasan”.  Alam namin kung saan kami galing, ngunit hindi kami nanatili sa kung saan kami nagsimula. Hindi gaya ng mga guilds at mentors na ito, na kung saan sila nagsimula noon ay nandoon pa rin sila. Yun ang pinagkaiba namin. Naging bukas kami sa pagiging self-taught at scratch artists, hindi namin tinago ang aming progreso. Ang mga taong nagsasabing manahimik na lang kami dahil matagal na itong nangyayari ay siya ring mga taong nakikinabang sa sistemang ito. Ayaw nilang baguhin ang mundong nagpapakomportable sa kanila.


Maaari parin akong magkakamali sa serbisyo — tulad ng kliyenteng hindi nagustuhan ang gawa ko — bahagi din ito ng pagkatuto at negosyo. Ginawa naming pundasyon ang aming mga pagkakamali, inaral namin ang aming kakulangan, at hindi namin kailanman ginawang negosyo ang aming kamangmangan. Magkamali man ay meron kaming pananagutan at responsibilidad sa kliyente. Ngunit ang intensyonal na paglalabas sa publiko ng mga taong kulang sa kaalaman at pagsasanay, para lamang kumita, ay hindi isang pagkakamali. Ito ay isang hindi etikal na gawain na walang pananagutan.

Hindi kami naging madamot sa aming kaalaman. Habang ang ibang mentor ay nagpapabayad, ibinigay namin ang lahat ng nalalaman naming impormasyon nang libre. #FREEEDUCATIONFORALL Gaya nalang ng impormasyon tungkol sa Floating Navel Piercings at ang tamang techniques dito. Ang ginagamit at tinuturo ng mga mentor noon ay ang traditional jewelry at walang assessment ng anatomy. Dahil sa impormasyong tinuro namin, kumalat na ito sa ibang miyembro nila at ito na rin ang ginagawa. Kami rin ang pinakaunang tattoo at piercing shop na nagpakilala ng titanium anodizing sa Pilipinas. Ang mga mentors na makikita ninyo ay ngayon pa lang ito nadidiskubre. Ang iba nga ay wala nito. Kahit ang impormasyon tungkol sa hindi ligtas na paggamit ng PVD-coated jewelry sa bagong piercing, kami rin ang unang nagpakalat nito na ginagawa at sinasabi narin ng iba. Maging ang malalim na pag-iintindi at techniques sa epektibong troubleshooting ay tinuturo rin namin nang walang bayad. Higit sa lahat, kami ang pinakamaboses sa paglantad na SCAM ang mga piercing seminars, maraming certified piercer na dating nabudol ay nabuksan ang isipan sa mga maling practices na natutunan nila mula sa seminars.

Ang lahat ng ito ay katotohanan. Ang ginawa namin ay nagpabago sa kalidad at kaligtasan ng industriya. Hindi man ito paniwalaan ng iba, ang aming timeline at digital footprint, magmula sa paglabas ng piercing guild, ang magpapatunay ng totoong ambag namin sa industriya.

Marahil ay wala kaming opisyal na "kredibilidad" sa paningin ng iba, ngunit sa isang industriya kung saan walang gustong magsalita, sino pa ang magiging boses? Kung "years of experience" ang puhunan ng mga mentor para magturo, may "years of experience" din kami sa pagsasabing mali ang ginagawa nila. Ang aming kritisismo ay hindi isang personal na atake, kundi isang pagpuna sa kanilang gawi at etika, na naglalayong ilantad ang katotohanan. Para mabago ang ikot ng industriya, kailangan nating aminin na may malaking mali na hinayaan natin. Ngunit hindi na natin ito hahayaan pa, Kailangan nang mahinto ang tunay na monopolyo— ang mga "mentor" at "guilds" na nagtayo ng sistemang para lamang sa sarili nilang interes at pakinabang. 


MATIRA ANG MALINIS

Nakita na natin ang lahat. Mula sa pag-usbong ng mga mabilisang "sertipikasyon"hanggang sa pagkalat ng maling praktis na naglagay sa publiko sa peligro. Ang blog na ito ay naglantad kung paanong ang kawalan ng regulasyon at ang pagdami ng mga scammentors ang sumira sa kredibilidad ng industriya.

Ang kasalukuyang estado ay hindi katanggap-tanggap. Sa paglipas ng mga taon, dumami ang pop-up at home-based piercers, naging normal ang mga scam, at tila tinanggap na lang na ganito na talaga. Pero bilang isang piercer o isang kliyente, nasa iyo ang kapangyarihang bumuwag sa siklong ito.

Hindi lang ito usapin ng pagsita sa mga nagbebenta ng pekeng sertipikasyon; ito ay pagtawag ng pansin sa mga ahensiya ng gobyerno na naging bulag at pabaya, na siyang ugat ng lahat. Kung ang mga scammentors ay gustong iregulate ang industry sa pamamagitan ng pagpapabayad sa seminars, ang paraan namin ay iba. Direkta kaming makikipag-ugnayan sa gobyerno. Naghanda kami ng proposals na handa nang ipasa sa mga related na sangay. Dahil sa lumalagong industriya ng tattoo at piercing, nararapat lang na buhayin ang mga batas na nakalimutan. Para sa industriyang may direktang kinalaman sa dugo, hindi na dapat pang patagalin pa ang kawalan ng malinaw na batas. 

Ang dapat mangyari ay ligtas na serbisyo sa loob ng piercing studio. Ang studio ay kumpleto sa tamang equipments, may lababo, may autoclave at tamang materyales. Sumusunod sa pamantayan ng gobyerno at negosyo. Kailangan mag-mukang nakakadiri na ang pag-seserbisyo nang walang gamit lalo na sa pop-up settings. Kailangan ang pagpasok sa industriya ay nakatuon sa totoong training at hindi sa mabilisan lang.

Hindi natin mapipigilan ang mga scammentor na mag-alok ng mga misleading at deceptive seminars nila. Hindi natin mapipigilan ang mga crash course piercers na mag-serbisyo sa coffeeshops, bazaars, fleamarkets, mall kiosks at iba pang pop-up locations, ngunit kaya yan sa tulong ng gobyerno. Hindi tamang isa-alang-alang ang kapakanan ng mga kliyente para lang kumita sila. PROFIT CANNOT OVERRIDE BASIC HUMAN SAFETY.

Panahon na para mamili ng tama.

Noon, "Matira ang Matibay."

Ngayon, "Matira ang Malinis."

 

Back to blog