
Hindi Lang Basta "Upgrade": Ang Importansya ng Autoclave sa Tattoo at Piercing
Share
Just upgraded! Sabi ng ilang piercing shop at pop up na nakita ko sa instagram habang nag-iscroll ako sa app. Kamakailan lang nila pinakita sa mga kliyente at followers nila na meron na silang makina para makapag linis o isterilisa ng tools at jewelry nila. Wow! Magandang hakbang yan dahil nagpapatunay na nasa isip nila ang pagbibigay nang malinis na serbisyo sa kliyente. Pero, may isang bagay lang na gumugulo sa akin sa tuwing may nakikita akong tattoo o piercing studio na nagbibida ng kanilang bagong pasilidad. BAKIT NGAYON LANG?
Ang tattooing at piercing ay hindi basta drawing o tusok-tusok lang. Bukod sa pagiging artist, humahawak din kami ng mga gamit na pwedeng magkadugo, na maaaring magdala ng blood borne pathogens o mga mikrobyo tulad ng bacteria at viruses na pwedeng magdulot ng iba't ibang sakit. Kaya naman, ang kalinisan at kaligtasan ay hindi dapat ikompromiso. Pagkatapos naming gamitin ang aming mga tools, dumadaan agad sa isterilisasyon para siguradong walang anumang mikrobyo o masasamang bagay ang maiiwan na maaaring makasama sa inyo. Ang pinaka-mabisang paraan namin diyan ay ang paggamit ng autoclave. Isa itong makinang parang pressure cooker na pumapatay sa lahat ng uri ng germs, kaya garantisadong ligtas ang aming mga gamit.
Ang pagkakaroon ng autoclave ay bare minimum at dapat lang na maging parte ng isang responsableng tattoo & piercing shop. Simula palang ay dapat meron ka na nito. Nakakalungkot isipin na may mga tattoo artist o piercer na matagal na sa industriya, may ilan pa ngang dekada na at nagtuturo pa ng pagta-tattoo at pagpi-pierce, pero wala pa palang sariling sterilization facility o kaya naman ay gumagamit ng outdated na makina gaya ng Dry Heat Sterilizer o UV Sterilizer na hindi epektibo para sa uri ng industriya namin. May iba namang ngayon lang bumili ng autoclave pero kung ipakita at ibandera nila ay parang matagal na silang meron nito. Isipin mo ito, pumasok ka sa isang kainan at may banner silang nagsasabing “Gumagamit na kami ng malinis na tubig at malinis na kubyertos.” Hindi ba't mapapatanong ka ng "Bakit ngayon lang? Anong ginagamit o ginagawa nila noon?" Ang sterilisasyon sa body modification ay pareho din nito. Non-negotiable iyan pagdating sa aspeto ng tattoo at piercing. Kaya kung ngayon lang nagkaroon ng autoclave ang isang shop. Hindi ba nakakapagtaka at nakakadismaya ito lalo na sa kanilang mga naunang kliyente o mga baguhang tinuruan? Dahil sila pa mismo ang nagpapabaya sa pinakamahalagang bagay para sa kaligtasan. Nakakadagdag duda din ito sa kanilang kredibilidad at sa serbisyong ibinigay nila noon.
Ang kawalan ng mahigpit na regulasyon sa industriya ng tattoo at piercing sa Pilipinas ay isang reyalidad. Ang kaalaman at kasanayan ng isang tattoo artist o piercer ay madalas nakasalalay lang sa kanilang sariling pag-aaral at sa mga impormasyong nakukuha nila sa iba't ibang mga artista. Walang paaralan o institusyon na nagtuturo ng trabahong ito. Kung meron man, ito ay mga artistang ginawa lamang negosyo ang pagtuturo pero hindi man lang pumapasa sa pamantayan ng kaligtasan ang kanilang mga proseso. Kaya ang pagtuklas lamang ngayon ng importansya ng tamang sterilisasyon ay nagpapakita nang pagkukulang sa pundasyon ng kanilang kaalaman. Kung sa negosyo naman, ang pagkakaroon ng sanitary permit ay hindi nangangahulugang sanitary ang isang shop, dahil bibigyan ka parin naman nito ikaw man ay may autoclave o wala. Hindi ito parte ng requirements, wala kasing sinusundang regulasyon.
Baka sabihin niyo “mahal ang autoclave. Baka hindi agad kaya ng mga maliliit o bagong shop na bilhin yan.” Kung papasukin mo ang industriyang ito, kailangan mong mag-invest sa kagamitan. Hindi rason ang kawalan ng kakayahang bumili, ang kalusugan at kaligtasan ng mga kliyente ang dapat na pangunahing priyoridad. Maaaring ikonsidera ng mga bagong shop ang pagpapaliban muna ng operasyon o kaya'y makipagtulungan sa ibang mga kilalang studio para sa serbisyo ng isterilisasyon hanggang sa makabili sila ng sarili nilang autoclave. Ulit, ito ay isang non-negotiable at importanteng ang lahat ng shop ay meron niyan, maliit man o malaki.
Magandang indikasyon ang pagkakaroon ng sterilization equipments, pero mahalagang tandaan para sa mga kliyente na importante paring alamin o tanungin ang inyong artist tungkol sa kanilang buong proseso ng isterilisasyon. Gaano katagal na nilang ginagamit ang autoclave? Paano nila pinapanatili ang sterility ng mga kagamitan pagkatapos ng proseso? Ang tunay na dedikasyon sa kaligtasan ay makikita sa bawat hakbang at proseso, hindi lang sa pagkakaroon ng isang makina.
Pero di ba sabi mo, ”Everyday is a chance of improvement. Bakit mo sinisita yung mga shop na nagtatangkang mag-improve ngayon? Hindi ba mas mabuti na yan kaysa wala?” Oo, naniniwala naman ako diyan. Pero hindi naman ibig sabihin nun ay gagawin na nilang ng cost of improvement ang mga kliyente. Hindi naman bago ang impormasyong ito. Hindi lang naman ito para sa mga bagong artista kundi para sa mga artistang taon at dekada na sa eksena, lalo na sa mga artistang nag-aalok ng seminar pero wala naman sterilization equipments, mga artistang nagsasabing itaas ang antas ng industriya sa Pinas pero sila naman ang problema dahil sa kawalan nila ng kaalaman ukol sa pinaka importanteng parte ng isang tattoo & piercing shop. Hindi ito isang competitive advantage o basta marketing lang na masabing malinis ka sa iyong proseso. Ito ay isang responsibilidad. Sa isang industriyang may limitadong regulasyon, ang pagiging proaktibo sa pag-aaral at pagpapatupad ng pinakamataas na pamantayan ng kaligtasan ay hindi lamang tungkol sa negosyo, kundi tungkol sa pangangalaga sa kapakanan ng bawat kliyente. Ang tunay na pagbabago ay ang paggawa nang tama mula sa simula, hindi lamang kapag napagtanto ang pagkakamali.
Ang layunin namin ay magbigay ng awareness para sa mga kliyente. Hindi pintasan ang sinumang artista kundi itaas ang standard ng kaligtasan para sa kapakanan ng lahat ng kliyente. Ito ay tungkol sa pagtataguyod ng kultura nang responsibilidad at pagiging transparent sa loob ng industriya ng tattoo at piercing. Pwede namang maging accountable at aminin ang inyong progreso. Pwede namang maging tapat at manghingi ng pasensya kaysa magsinungaling, mangloko at mang-mislead ng iba. Tinatama lang natin ang nakasanayang mali at korapsyong ginagawa.
Ang pagtataka natin kung "bakit ngayon lang?" ay maaaring magdala ng isang mahalagang pagbabago sa industriya. Ang tanong na ito ay hindi lamang isang kritisismo, kundi pagtulak sa transparency at accountability at isang pagkakataon upang matiyak na ang "ngayon" ay magiging simula ng isang mas ligtas at mas mapagkakatiwalaang serbisyo at standard para sa lahat ng kliyente.