Safe ba sa Piercing Pop-Ups?

Safe ba sa Piercing Pop-Ups?

Kung follower ka namin sa Instagram o Facebook, alam mong madalas naming pag-usapan ang tungkol sa mga tattoo o piercing pop-ups. Makikita mo sila sa mga coffeeshop, mall kiosks, bazaars, gigs, minsan sa wedding receptions, kadalasan sa ibang outdoor events, meron ngang sa tabing dagat pa. O baka habang nag-i-scroll ka sa apps, may nakita kang jewelry brand na nag-aalok ng piercing service sa mga kiosks or pop up booths nila, mukhang okay dahil may ka-collab silang Piercer. Exciting, di ba? Naglalakad ka lang sa bazaar, nagtitingin ng jewelry, nasa event ka na, tapos may chance ka pang magpa-pierce o tattoo on the spot, di na kailangan pang pumunta sa studio.

Pero heto ang catch: sa likod ng mga sparkly jewelries at nakaka-engganyong piercings, may mga risks na dapat isaalang-alang bago ka magpagawa sa ganitong set up. Sa blog na ito, pag usapan natin kung talaga bang ligtas ang mga piercing pop-up, o kung isa lamang itong uso na mas mabuting iwasan?

 

Isa sa service na ino-offer namin ay ang Piercing Troubleshooting. Sa service na ito, inaa-assess namin at nagbibigay ng solution para sa mga piercing emergencies, irritations, o complications. Dito, inaalam namin ang sanhi ng piercing issues ng kliyente. Ilan sa mga tinitingnan namin ay ang history ng piercing nila, material ng jewelry, paano ang aftercare routine nila, paano ito na-pierce at kung saan ito na-pierce. Base sa kanilang karanasan, galing sila sa mga Piercing Pop-ups. Kadalasan, pumupunta sila sa amin para ipaayos ang mga problemang na-encounter nila. May mga instances pa nga na kailangan nilang magpatingin sa doktor para magamot at maresetahan ng antibiotics.

 

Sanitation, Hygiene at Risks ng Cross-Contamination

Ang body piercing ay hindi lang simpleng dekorasyon sa katawan; kailangan nito ng tamang kaalaman, kagamitan, at maayos na lugar. Isipin mo ito-- kung magpapabunot ka ng ngipin, magpapagawa ka ba nito sa coffee shop, bazaar, flea market o events gaya ng wedding reception? Syempre hindi, dahil kailangan ng aseptic environment at set up para sa mga ganitong procedures. Aseptic, ibig sabihin ay malinis at walang kontaminasyon. Ang piercing ay hindi rin naiiba.

Sa piercing procedure, kailangan sterile ang lahat ng supplies mula jewelry, needle hanggang sa tools. Kapag sinabi namang sterile ibig sabihin ito ay walang bacteria o kahit anong mikrobyo, malinis na malinis.

Sa industriya ng piercing, ang pinaka-epektibong paraan ng sterilization ay sa pamamagitan ng autoclave o casette sterilizer. Sa isang professional setting, sinusunod ang mga standard practices, mataas ang kalidad ng gamit at may wastong pasilidad.Sa studio namin, gumagamit kami ng autoclave, isa itong high-pressure steam sterilizer na pumapatay sa lahat ng bacteria, mikrobyo at virus sa mga piercing implements at jewelry. May hiwalay na ultrasonic cleaner para sa mga bagong hikaw at pang-linis ng piercing tools. Meron ding lababo kung saan makakapag hugas ng kamay ang piercer. Kontrolado ang kapaligiran, sinisuguradong malinis ang workplace at nasa sanitary na kondisyon.Sa mga pop-up booths, kadalasan ay Dry Heat sterilizer, UV sterilizer, o liquid soaks lang ang ginagamit nila na hindi epektibo sa pagpatay ng bacteria at virus. Ang mga equipment na nabanggit ay hindi sapat para maka-sterilize ng piercing tools lalo na kung sa sandaling oras lang ito naproseso, kaya naman hindi siya ideal sa mga mabilisang procedure gaya ng piercing. Bukod pa riyan, pressure, steam, at time ang kinakailangan sa sterilization na hindi sakto sa specs ng mga dry heat at UV sterilizer. May mga naging kliyente akong nagkwento na ang ginamit na hikaw sa kanila ay galing pa sa display, nilagyan lang ng alcohol at nilagay na sa kanila pagka-pierce, hindi man lang na-sterilize. 

Sa mga piercing pop-up, subukang tingnan ang mga sterile jewelry nila. Ang sterile pouch ay kadalasang may indicators na nagsasabi kung dumaan ito ng autoclave o hindi. Maraming piercing pop-ups ang hindi gumagamit ng tamang  sterilization equipment kaya makikita mong ang walang pababago sa indicator nito.Sa mga ganitong setting, madalas na hindi na naghuhugas ng kamay ang piercer. Kung meron mang lababo ay nakikigamit lang ng sila sa mga coffeeshops o venue. Isipin mo na lang-- ang lababo na ginagamit sa paghuhugas ng mga piercing tools na maaaring may dugo ay siya ring lababo na ginagamit para sa paghuhugas ng kubyertos ng café. Hindi ito sanitary.Sa mga pop-up na nakikita ko, hindi balot o walang barrier ang kanilang supplies o setup table na ginagamit sa bawat kliyente.  Isipin mo na lang-- yung mesa at mga supplies na hindi na-disinfect ng tama na ginagamit sa naunang kliyente ay gagamitin din sayo, at gagamitin ulit sa iba. Hindi mo alam kung gaano kadalas itong ginagamit o kung malinis pa nga ba. 

Minsan pa, yung gloves na suot ng piercer habang ginagawa ang piercing ay hinahawak din sa ibang bagay tulad ng salamin o cellphone. Sa puntong iyon, posible nang kontaminado o magka-cross contamination. Kung ang gloves na dapat ay proteksyon ay ihahawak sa mga bagay na hindi sterile tapos ihahawak sa piercing mo, may malaking posibilidad na magdala ito ng bacteria, mikrobyo o virus sa bagong piercing. Puwedeng magresulta ito ng infection o mahawa ng seryosong sakit tulad ng Hepatitis o HIV. Nakakabahala ito.

Mahalaga na tiyakin mo ang hygiene at sanitation ng piercer na magseserbisyo sayo. Mahalaga ding matiyak ang kalidad ng materyales at tools na ginagamit sa piercing, at higit sa lahat, importanteng gumagamit sila ng tamang sterilization facility. Hindi biro ang infection.  Bukod sa sakit na maidudulot nito ay magastos pang magpagamot. Huwag mag-atubiling magtanong at mag-check ng kanilang sterilization practices bago magpa-pierce. Alalahanin na sa tamang alaga at proseso, maiiwasan natin ang mga komplikasyon at makakamit ang ligtas at magandang resulta ng iyong piercing. Kung hindi ka sigurado, mas mainam na humanap ng ibang lugar kung saan garantisado ang kaligtasan mo.

Distractions at Pressure

Sa mga professional piercing studios, tahimik at maayos ang kapaligiran. Dito, ang piercer ay may sapat na atensyon sa procedure na nakakatulong para makuha ang tamang placement ng piercing at mabigyan ka ng kalmadong experience. Sa kabilang banda, sa mga pop-up events sa cafe, bazaars, fleamarkets o saang mang outdoor piercing booth, maaaring magulo at puno ng distractions, gaya ng ingay at dami ng tao. Ito ay nagiging hadlang sa focus ng piercer, na maaaring magdulot ng pagkakamali sa placement o tagilid na itsura ng piercing at magresulta sa hindi magandang paghilom.

Ang isang tahimik at maayos na environment ay mahalaga para sa isang accurate at safe na piercing. Kapag ang piercer ay abala o nagmamadali dahil sa dami ng tao, hindi ito magandang senyales. Baka hindi ito ang tamang pagkakataon para magpa-pierce.

Gold Plated at Low Quality Jewelry

Isa pang bagay na hindi madalas napapansin sa pop-up piercing booths ay ang mababang quality ng jewelry na ginagamit. Karaniwan, gumagamit sila ng materyales tulad ng surgical steel, silver, copper, o plated jewelry na hindi ideal para sa healing piercings. Ang ganitong uri ng jewelry ay maaaring magdulot ng allergic reactions, irritations o mas tumagal ang paghilom ng sugat dahil dito.

Sa studio namin, gumagamit kami ng mataas na kalidad ng jewelry gaya ng 14K at 18K Gold at ASTM F136 titanium na ligtas para sa fresh at healing piercing. Kapag low quality ang materyal ng hikaw, puwede itong mag-sanhi ng komplikasyon tulad ng bumps, rejections, o maaring magresulta sa pangit  o matagal na healing time.


Hindi kami gumagamit ng PVD coated o plated jewelry. Kahit pa kasi titanium ang material nito ay ang nakadikit naman sa balat mo ay ang coating at hindi ang materyal. Kapag gusto ng kliyente ng gold, rosegold o ibang kulay na jewelry, available ang anodization saamin. Isa itong electroplating process kung saan nababago ang kulay ng titanium jewelry, pwede itong gawing gold, rosegold o ibang kulay pa. Ang prosesong ito ay safe para sa jewelry at sa piercing mo. Babala lang, Maraming mga piercer na nagsasabing "anodized" ang kanilang jewelry pero katagalan ay nag-ooxidize at nag-tatarnish ito na nagdudulot ng iritasyon sa piercing.
Titanium Anodizing: What you need to know

May mga pop-up na nag-aalok rin ng titanium. Pero bago maengganyo, importanteng hanapin mo parin kung meron silang pasilidad para malinis ang hikaw na gagamitin sayo. Para makasiguro sa jewelry material, pwede kang mag-request ng Mill Certificate sa Piercer, isa itong certification na nagpapatunay kung ano ang material ng mga hikaw na hawak ng Piercer o shop. 

Walang Aftercare Instructions

Isa pang malaking problema sa pop-up piercings ay ang kakulangan ng tamang aftercare advice. Sa dami ng tao at bilis ng transaksyon, madalas hindi naibibigay ng piercer ang tamang impormasyon tungkol sa pangangalaga ng bagong piercing. Puwedeng makuha mo lang ang basic na payo, tulad ng "linisin mo lang araw-araw," pero walang detalyadong guidance kung paano at anong produkto ang dapat gamitin. Minsan pa ang advise ay makalumang paraan gaya ng paggawa ng Do-IT-Yourself na salt solution na maaring makadulot ng iritasyon sa piercing, o ang paggamit ng baby oil o alcohol sa pagliliis na mas lalong hindi tamang solution para sa cleaning.

Babala lang rin, hindi lahat ng may "Piercing AftercareSolution" na nakalagay ay ligtas para sa piercing mo. Marami ring piercer at seller na gumagawa at nagbebenta ng mga repackaged aftercare spray na isa sa nakakadulot ng iritasyon sa piercing.

Basahin: Protect Your Piercing: Choose Sterile Saline Solutions for Safe Healing!


Sa mga professional studios, bibigyan ka ng detalyadong aftercare instructions na specific para sa piercing mo. Bukod sa tamang pamamaraan ng paglilinis, ipapaliwanag din sa iyo kung ano ang dapat mong iwasan at kung ano ang mga senyales ng infection na kailangan mong bantayan. Ang gusto natin ay maging maayos ang pag-galing ng piercing mo, kaya mas mainam na pumili ng piercer na magagabayan ka mula sa proseso ng paghilom ng piercing mo hanggang sa lubos na paggaling nito. Sa isang professional studio, makakasiguro kang may sapat na suporta mula sa simula hanggang matapos, kumpara sa mga pop-up na maaaring kulang sa kaalaman at kasanayan para magbigay ng ganitong antas ng serbisyo.

 

Walang Accountability

Sa mga pop-up piercing setups, hindi ka sigurado kung paano habulin ang piercer kapag may komplikasyon. Walang physical studio na pwede mong balikan, at minsan, temporary lang ang mga pop-ups na ito. Kung magkaroon ng problema sa piercing mo, mahirap mag-reklamo o humingi ng assistance sa piercer. 

May isang client na lumapit sa amin para magbahagi ng karanasan niya sa isang piercing pop-up. Nagkaroon siya ng severe infection at halos umabot sa ilang libo ang kanyang nagastos sa pagpapagamot ng kanyang piercing. Nang manghingi siya ng assistance sa pop-up studio na pinuntahan niya ay hindi nila alam kung paano siya matutulungan o paano tutugunan ang kanyang piercing complication, sa huli ay nirefund lang ang pera niya. Sorry, Thank you, and Goodbye nalang.

Sa isang reputable piercing studio, alam mo kung saan sila located at pwede kang bumalik para sa follow-up care o check up. May responsibilidad ang mga professional piercers na tulungan ka sa healing process. Ang piercing ay hindi lang natatapos sa nabutasan o nahikawan ka. Importanteng ang shop na pupuntahan mo ay may expertise sa pag-aayos o pag-troubleshoot ng piercing para sakaling ikaw ay may komplikasyon, sigurado kang may karanasan sila kung paano ka tutulungan.  

Bakit May Mga Piercer Pa Ring Gumagawa Kahit may Health and Safety Risks?

Kung malinaw namang risky at hindi safe, bakit may mga piercer pa ring nag-aalok ng ganitong serbisyo? Walang regulasyon ang Tattoo at Piercing sa Pilipinas, walang sapat na guidelines at standards, licensing, o apprenticeship. May mga nag-aalok ng seminar ngunit walang kredibilad, kwestyonable at outdated ang mga turo at practices ng mga ito. Tignan mo nalang ang mga gamit nilang sterilization equipments. 

Sa ganitong sitwasyon, nagiging posible na kahit sino ay pwedeng mag-alok ng piercing services kahit walang training o tamang kagamitan. Ang kakulangan ng regulasyon ay nagdudulot ng panganib, dahil hindi lahat ng piercer ay may sapat na kaalaman tungkol sa tamang practices at sterilization method. Maraming piercer ang maaaring walang sapat na pag-unawa o malasakit sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga kliyente.

Bilang isang kliyente, napakahalaga na maging mapanuri sa pagpili ng piercer. Hindi lang dapat sa magaganda at nagkikinangang disenyo ng hikaw nakatingin, kundi pati na rin sa kanilang mga gawa. Mas mainam kung pipiliin mo ang isang studio na bukod sa may magandang reviews at reputasyon ay gumagamit din ng tamang sterilization facility. Ang wastong pagpili ay makakatulong hindi lamang sa pag-iwas sa mga posibleng komplikasyon, kundi pati na rin sa pagsiguro ng maayos na healing process.  

Bakit Dapat Maging Maingat Kahit Mukhang Propesyonal ang Piercer sa Pop-Up?

"LOOKING FOR MERCHANT!"
Habang nag-iiscroll sa Facebook at Instagram, makikita mo ang mga jewelry brands na nakikipag-collaborate sa mga piercer para sa mga piercing pop-up nila. May mga business spaces na nag-aalok ng booth para sa mga piercer. Sa mga Facebook groups naman, may mga business owner na naghahanap ng piercer, kumpleto na daw sa gamit, at magpi-pierce ka na lang. Kwento ko lang, may natanggap kaming invites mula sa mga jewelry brands para mag-serbisyo sa pop-ups nila. Naiintindihan ko naman na gusto nilang magbigay ng ligtas na serbisyo kaya sila nakikipag-collab sa mga piercer.

Malaking oportunidad ito! Ngunit, marami akong dapat ikonsidera. Sa ganitong mga setup, madalas ay walang sapat na protocol pagdating sa kalinisan. Kailangan ng tamang sterilization area para ma-reprocess ang mga tools, lababo para sa paghuhugas ng kamay, at hindi mo rin makokontrol ang environment at lokasyon dahil paniguradong madaming tao. Dahil sa mga ito, mas pinipili kong mag-decline.

May mga piercer na pumapayag sa ganitong serbisyo, pero kapag tinignan mo naman ang kanilang setup at sterilization equipment, ay gaya ng mga sinabi kong iwasan niyo sa taas. Mabilis lang ang proseso ng piercing, pero ang proseso ng paglilinis at pag-isterilisa ay matagal.

Ang mga piercer na may sapat na kaalaman sa kanilang trabaho ay alam na ang ganitong uri ng setup ay hindi malinis at hindi ideal para sa piercing procedures. Ang paggawa ng procedures sa labas maging ang home service ay unsanitary. Ang pagpayag ng mga piercer na magserbisyo sa ganitong mga lokasyon ay nagpapakita ng kanilang kakulangan sa kaalaman tungkol sa hygiene at safety practices.

Kahit na kilala ang piercer, mukhang propesyonal, may certificates, at maraming taon na sa industriya o madami nang na-pierce, hindi ito garantiya na safe ang kanyang proseso. Ang pagkakaroon ng certificate ay hindi nangangahulugang skilled ang piercer; maaaring hindi siya sumusunod sa tamang safety procedure at hygiene practices. Kahit gaano pa siya katagal sa industriya, kung hindi siya updated sa mga piercing standards, infection control protocols, o mga bagong impormasyon ukol sa piercing, maaaring may mga kaakibat na panganib pa rin.
Ang mga ethical na piercer na tunay na may malasakit sa safety mo ay hindi mag-aalok ng serbisyo sa mga pop-up. Bakit? Kasi sa mga ganitong setup, walang sapat na protocol pagdating sa sterilization, cleanliness, at tamang equipment. Ang mga tunay na propesyonal at responsable na piercer na may integridad ay hindi magtatrabaho sa isang environment na maaaring maglagay sa'yo sa alanganin.

 

"Sa pop-up ako nagpa-pierce, pero okay naman ang piercing ko? Wala namang nangyaring masama."

Masaya akong malaman na naging okay ang experience mo, at wala kang naging problema sa piercing mo. Pero mahalagang tandaan na bawat katawan ay iba-iba, at maaaring hindi agad agad makita ang mga potensyal na komplikasyon. Maraming factors ang dapat ikonsidera, tulad ng kalusugan ng immune system, kalidad ng mga jewelry at supplies na ginamit, at kahit na kung gaano ka-sterile ang environment noong nagpa-pierce ka.
Isa pang punto na kailangan isipin ay ang posibilidad ng long-term effects. Ang mga irritation o complications ay maaaring lumabas ilang linggo o kahit buwan pagkatapos ng piercing. Ibig kong sabihin, maaaring hindi mo man agad makita ang mga komplikasyon, pero nariyan pa rin ang posibilidad. 

Sa huli, importante pa rin na mag-ingat at magtiwala lamang sa mga piercer na eksperto at gumagamit ng tamang kagamitan, sterilization methods at practices. Kung nagkaroon ka ng magandang experience, good for you!-- pero para sa iba, maaaring hindi ganun ka-successful ang resulta. Ang pag-iingat ay laging mas mabuti kaysa sa pagsisisi sa bandang huli

Kahit tempting ang mga pop-up piercing events, maraming dangers at risk ang kasama nito. Mula sa kalinisan, kagamitan, distractions, hanggang sa regulasyon at expertise ng piercer. Lahat ito ay puwedeng makaapekto sa safety mo. Nasa iyo pa rin ang desisyon kung magpapapierce ka sa ganitong setup. Ang katawan mo ang nakataya, kaya’t siguraduhing safe ang iyong experience.

Gaya ng lagi naming sinasabi, "Pierce at your own risk, but make informed and safe decisions!" Mas mabuting pumili ng isang professional piercing studio na may tamang facilities, well-experienced at ethical piercer kaysa magpa-pierce sa hindi ka sigurado.

Sulat at Guhit ni Necro at Rhei

Back to blog