Naiintindihan ko na iba-iba ang opinyon tungkol sa pagpapabutas ng tenga ng mga baby. Personal na desisyon ito ng magulang para sa kanilang anak. May ilang magulang na nagpapabutas ng tenga habang sanggol pa, habang ang iba ay naghihintay hanggang lumaki ang bata at kaya nang magdesisyon para sa sarili. Sa ibang bansa o kultura, ang pagpapabutas ng tenga ng mga baby ay bahagi ng kanilang tradisyon. Kahit dito sa Pilipinas, nakasanayan na ang pabutasan ang tenga ng mga babaeng sanggol. Pero sa modernong panahon, nararapat pa bang sundin ang "tradisyon" na ito? Kung pipiliin mong pabutasan ang tenga ng iyong baby, narito ang ilang mga konsiderasyon mula sa pananaw ng isang Piercer (at isang Ina) na dapat mong isaalang-alang.
Sana Pala Hindi Na
Nakausap ako ng ilang magulang tungkol sa dahilan kung bakit nila pinabutasan ang tenga ng kanilang baby. Ang sabi ng iba, para daw mas mukhang babae ang baby nila. Yung iba naman, akala nila tradisyonal ito. Noong wala pa akong alam sa piercings, pinabutasan ko rin ang tenga ng baby ko sa doktor niya. Gumamit siya ng karaniwang studex earring, yung may matulis na dulo na diretso nang itutusok sa balat. Ang sabi kasi ng matatanda, mas maigi daw na habang sanggol pa para hindi niya maramdaman o maalala. Nung naging piercer na ako, doon ko lang napagtanto na hindi ko dapat pina-pierce ang anak ko dahil bukod sa mali na ang procedure, mali ang jewelry, at hindi rin maayos ang posisyon. Nakaramdaman ako ng guilt bilang magulang.
Hindi Lang Basta Hikaw
Ang piercing ay sugat na kailangan mong pagalingin habang may nakalagay na hikaw dito. Ang paghilom ay umaabot ng linggo hanggang ilang buwan, at maaaring magka-komplikasyon kung hindi inaalagaan nang maayos. Ang sakit at discomfort na nararanasan ng sanggol ay maaaring kasing tindi ng nararanasan ng matatanda. Ang pagiging baby ay hindi nakakaalis ng sakit na dulot ng piercing. Isipin mo na lang, para magkaroon ng isang pares ng makikinang na hikaw, kailangan sugatan ang tenga ng baby mo.
Mahalagang tandaan na hindi sila makakapagsabi kapag may nararamdaman silang sakit o hindi komportable. Kung iisipin ay nakaka-guilty pa nga dahil ikaw ay nagdulot ng sakit sa isang tao na hindi maintindihan kung bakit nangyayari iyon. Isipin mo, kung ikaw ay nasasaktan at hindi mo alam kung bakit, hindi ba't mas mahirap iyon?
Ang pagpapabutas ng tenga, kahit sa mga baby, ay maaari ring magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan niya. Karaniwang tumatagal ng hindi bababa sa 16 na linggo bago gumaling ang piercings. Mataas rin ang tsansa ng impeksyon. Ang mga baby ay madalas ilagay ang kanilang kamay sa bibig at dahil may nararamdaman sila sa kanilang tenga, maaari ay makontamina nila, o kaya mahawakan o mahila nila ang jewelry. Kung palaging nangyayari ito, magkakaroon ng problema sa paggaling. Hindi naman nila alam na bawal itong hawak-hawakan.
Ang pag-aalaga sa tenga ng iyong baby pagkatapos ng piercing ay hindi basta-basta. May posibilidad din na magkaroon ng reaction ang balat ng mga baby sa ilang aftercare products o cleaning solutions. Maaring makadulot ito ng iritasyon lalo't sensitibo pa ang balat ng mga sanggol.
Hindi mo gugustuhing masakit at hindi komportable ang iyong anak dahil sa isang bagay na maaari namang maiwasan.
Ang mga baby ay natutulog ng karamihan sa oras, at maaaring madaganan o malagyan ng pressure ang mismong piercing na nagiging sanhi ng komplikasyon. Dahil hindi makakapagsabi ang mga sanggol, hindi nila masasabing masakit o naiirita sila. Bukod dito, ang mga tenga ng baby ay mabilis lumaki at nagbabago pa, kaya't ang butas na mukhang nasa tamang posisyon ngayon ay maaaring hindi na sa loob ng 5-10 taon. May mga kaso na lumalaki ang butas ng tenga o baluktot o hindi pantay ang posisyon.
Walang Regulasyon, Walang Proteksyon
Minsan habang nasa mall ako, may nadaanan akong jewelry stall na nag-aalok ng piercing. Napansin ko ang dalawang magulang na nagpapapierce sa kanilang sanggol. Nakita kong walang gloves ang saleslady at gumamit pa siya ng piercing gun. Hindi ko alam kung lalapitan ko sila o hindi, pero alam kong may mga risk sa ganitong proseso. Kaya naglakas-loob akong lapitan sila. Narinig kong sabi ng Saleslady, "Lagyan mo lang ng baby oil o linisan mo ng alcohol." Nakita ko rin na masikip ang pagkakalagay ng hikaw na maaaring makadulot ng matinding pamamaga at sakit sa bata kalaunan. Nagpakilala ako at ginabayan ang magulang sa tamang pag aalaga ng piercing.
Ang encounter na ito ay nagpakita sa akin ng pangangailangan ng mga batas tungkol sa body piercings, lalo na para sa mga menor de edad.
Dahil sa kakulangan ng regulasyon ng piercing sa Pilipinas, walang batas na nagpoprotekta sa iyo bilang kliyente. Maraming mga establisyemento at piercer ang nagseserbisyo kahit wala silang sapat na sterilization facility at mataas na kalidad na hikaw. Marami rin ang hindi sapat ang kakayahan at kaalaman pagdating sa tamang proseso. Kung wala kang ideya sa pagpili ng ligtas na piercer, baka mapunta ka sa mga lugar o piercer na hindi ligtas para sa iyong anak. Baka gumagamit ito ng piercing gun, baka hindi nai-sterilize nang maayos ang kanilang mga gamit.
Bukod pa riyan, ang mga sanggol ay hindi pa kumpleto sa bakuna. Ang pagpapa-piercing ay naglalagay ng risk ng exposure sa iba't ibang bloodborne pathogens gaya ng Hepatitis, HIV at iba pa. May posibilidad na magkaroon ng impeksyon ang piercing lalo kung hindi malinis ang mga tools at jewelry na ginamit.
CONSENT
Pag-usapan natin ang tungkol sa consent. Sa Leviticus, pinapahalagahan namin ang body autonomy. Bilang piercer, hindi tama na baguhin ang katawan ng isang tao nang wala silang pahintulot, kahit pa may permiso ng magulang. Mas maganda kung maghintay hanggang kaya nilang magbigay ng sariling pahintulot para sa mga pagbabago sa kanilang katawan. Ang paghihintay ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon na ma-enjoy ang karanasan ng pagpapapierce. Huwag agawin ang karanasang iyon. Sa totoo lang, sa edad na iyon, wala pa silang kamalayan para pahalagahan o mag-alala tungkol sa pagkakaroon ng piercing o hikaw. Bilang magulang, hindi porket kaya mo, dapat mo nang gawin. Kung ito man ang nakasanayan nating kultura o tradisyon, pwede natin itong baguhin o hindi sundin kung kalusugan o kaligtasan naman ng anak natin ang nakasalalay.
Isa pa, bilang Piercer, gusto naming kausapin ang mga bata tulad ng matatandang kliyente. Gusto naming malaman kung talagang gusto nila ang piercing, kung okay lang sila, kung kinakabahan sila, o kung kailangan naming mag-break. Ang mga batang handa ay makakapagsabi kung kailan sila handa. Ang mga sanggol ay deserve din ang ganitong klaseng komunikasyon. At sa pag-pierce sa kanila sa murang edad, hindi namin magagawang magkaroon ng tamang pag-uusap kung paano nila nararamdaman ang karanasang ito.
Mahalaga na ang bata ay alam ang responsibilidad ng pag-aalaga sa piercings. Ito ay isang magandang paraan para maintindihan nila ang kahalagahan ng consent at karapatan sa sarili.
Sa huli, ang mahalaga ay ang kaligtasan at kaligayahan ng ating mga anak. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa kahalagahan ng consent at body autonomy, nagbibigay tayo ng kapangyarihan sa kanila na magdesisyon para sa kanilang sarili. Mas mabuting maghintay hanggang sila ay handa na at nauunawaan ang kahalagahan ng bawat desisyon na may kinalaman sa kanilang katawan. Sa ganitong paraan, magiging mas makabuluhan at masaya ang kanilang karanasan.
Salamat sa pagbabasa at sana ay nakatulong ang mga impormasyon na ito sa inyong desisyon. Huwag kalimutang ibahagi ito sa iba! Hanggang sa susunod! ♥
Isinulat at Iginuhit ni Necro ☠